BASTA ALAM KO, GUSTO KO

Image via Pexels.


April 9, 2020 1:05PM
 

Sinusulat ko ito habang nakaupo ako sa labas ng bahay namin. Mahangin pero mainit. Lowbatt na ang laptop na gamit ko pero keri lang. Tinatamad akong pumasok para mag-charge. Naiihi na rin ako pero keri lang ulit. Nakakatamad talagang kumilos! Sana all nakahiga lang pero kumikita ng pera.
 
Magsisimula na naman ang summer season. Magtataasan na naman ang kuryente. Mabuti sana kung hindi ako ang nagbabayad ng bills. Hays, sana estudyante na lang ulit ako.
 
Naaalala ko noong college ako, okay na ako kahit may bente pesos ako. Mga ganitong oras, vacant namin sa PE subject, lumalabas kami ng mga kaibigan ko para bumili ng siomai sa tapat ng school. At kung nakapam-budol ng ibang kaklase, may kasama pa ‘yong panulak para hindi masamid.
 
Hindi ko alam kung bakit ko ito sinusulat. Wala akong idea sa blogging pero ang alam ko, gusto kong mag-blog. Hindi vlog, ha. Magka-iba ‘yon. Wala akong talent sa pagharap sa camera tapos para akong ewan na kakausapin ang sarili thinking na may audience sa loob ng device na ‘yon. Wala rin akong talent sa pag-e-edit ng videos kaya hindi talaga pasok sa banga. Ang gusto ko lang ay magsulat. Magsulat nang magsulat hanggang makapag-publish ako ng isang depressing prose o tula o excerpt o story o something sa internet. I know I am into creative side pero papasa bang “creativity” ang pagpo-post ng mga salitang aakalain nilang suicidal ka? Ewan ko. Inclined ako sa mga bagay na malulungkot kahit masayahin akong tao. Hindi ko alam kung gift ‘to o sumpa. Trust me, gusto ko namang gumawa ng empowering, motivational, oozing with happiness pieces of writing pero wala. Olats talaga ako sa part na ‘yon. Kaya pinagbubuti ko na lang kung anong binigay sa akin.
 

Ah, balik tayo sa blogging. Ayon. Wala akong idea kung paano ito, but I always want one kaya gumawa ako. It was around lockdown of 2020. Naka-work from home ako noon, buryong-buryo na sa apartment. Malayo ako sa bahay kasi naabutan ako ng ECQ sa munisipalidad kung saan ako nagta-trabaho. Naaalala ko pa how I struggled with HTML codes. Customized kasi ang navigation bar ng blog na ito. Inaral ko pa talaga mag-code para lang makuha ang design na gusto ko. Lakas kasi ni Blogger at WordPress, eh. Mas maganda sana kung drag-and-drop na lang ang lay outing. Suggestion ‘yon pero sana matamaan sila.
 
As per blog contents, base sa mga nabasa ko, walang limit. Kung anong trip mong content, go, walang pipigil sa’yo at hindi ka pipigilan ni Google unless malaswa o R-18 ang posts mo. Ang kaso… ako mismo hindi ko alam ano bang gusto ko. I want an all-in-one blog. ‘Yun bang may beauty, lifestyle, travel, foods, at iba pa. Gusto kong i-try lahat kasi ganoon ako, eh. Hindi natatahimik ang kaluluwa ko hangga’t hindi ko nasusubukan ‘yung iniisip ko. Gusto ko rin na parang tropa ko lang kayo, kayong lahat na nagbabasa nito ngayon. Ayoko ‘yung magho-hold back ako sa mga isusulat ko kasi ayokong may mambash sa akin. Medyo mahirap ‘yung part na ‘yon. Kasi gumawa man ako ng maganda o hindi ay may masasabi kayo sa akin. Pero keri na ‘yon. Ayoko nang isipin ‘yon at maii-stress lang ako. Isa pa namang implication ng stress ko ay lumalayo ako sa pagsusulat o pagbabasa. Minsan na nga lang ako ganahan, mawawala pa ‘yung will ko na gawin ang gusto ko.
 
Hanga ako doon sa mga taong alam na alam ang mga sinasabi nila when they post something in their blogs. Tapos ‘yung mga reader naman, dalang-dala. They are so effective in using their talents. Hindi naman sa dina-down ko ng bongga ang sarili ko, pero I am always in the middle. I am not too good, but I know I am not too bad either. Mediocre si ate mo girl. Palaging nasa gitna. Kayo ba, kung “somewhat” kilala niyo na ako tapos nabasa niyo itong entry ko na ito, what do you think of me? I’d really like to know your perspective. Hindi ba nga, kung familiar kayo doon sa concept ng Johari Window, mas makikilala mo ang sarili mo kung malalaman mo rin ang tingin sa iyo ng iba?

 
 
Wait… nag-a-idle na naman ako. Marami pa akong gustong sabihin kanina pero sa kagustuhan nilang mag-una-unahan para mai-type, nawala silang lahat. Isang factor na rin siguro ay nawala ako sa momentum dahil hindi na kaya ng pantog ko at napa-CR ako nang wala sa oras. Paglabas ko ng banyo, nakatunganga na lang ako sa keyboard. Anyway, puyat din naman ako kaya hindi malabong parang lugaw na may sopas rin itong unang entry ko. I was reading Wattpad stories kagabi. Partida may migraine pa ako noon. Uminom ako ng Mefenamic Acid bago humiga sa kama ko pero inabot na ako ng 5AM sa pagbabasa ay hindi pa rin ako sumusuko. Nagising ako ng 9AM. Imagine ilang oras lang tulog ko. Well, initially, bawal akong magpuyat kasi mahina ang resistensya ko sa sakit sabi ng nanay ko. Pero wala, eh. Kapag lumalaki ka kasi ay tumitigas ang ulo mo. Feeling mo ay alam mo na lahat.
 
 
So paano, I will end this here. Medyo unsure pa ako kung paano ang gagawin kong atake rito sa blog ko pero bahala na. Kung ano na lang ang lumabas sa utak ko at kung ano na lang ang i-type ng daliri ko. At least, I can say na naging honest naman ako sa inyo na hindi ko alam itong pinasok ko. If you are entertained with my nonsense, edi congratulations! Congrats sa’yo kasi nakahanap ka ng isa na namang manunulat na malalait at congrats sa akin kasi effective itong paghihingalo ng battery ko.
 
 
 
Sana makita pa kita ulit dito.



Sanamawari
 

Comments