![]() |
| Image via Pexels |
ang paglapit ng bituin sa lupa
ito ang panahon,
ang kasaysayan,
ng
pagtatagpo
natin
*1*
alam ko naman
na hindi maaaring
lumipad ang lupa
papunta sa kalawakan
upang makasama
ang bituin,
ngunit
nakilala kita
at sinabi kong,
"kaya kong umangat
papunta sa'yo
kahit na
madurog ako"
*2*
wala sa salita
hindi rin sa kilos
ano kaya ang
hiwaga na
bumabalot
sa iyo?
bakit sa
halip na
kabahan ako
sa una nating
pagkikita ay
ngumingiti ako
sa harap mo?
*3*
ngayon lang kita
nakilala.
sigurado ako.
ngunit
tila ka isang
alaala na
nilimot sa
nagdaang siglo
-pangalawang buhay
*4*
ikaw ay isang bituin:
sa kasiyahan
ay hindi matanaw
sa kalungkutan
ay namumukod-tanging ilaw
*5*
marami pang pag-uusap
ang naganap bago
ko nalamang
ikaw ang dahilan
kung bakit
hindi pa tumitigil
sa paghahanap
ang isip ko
at hindi pa
napapagod
sa kahihintay
ang mga kamay
ko
na mahawakan
ang sa
iyo
*6*
tumigil ba ang mundo
o
ito ang nais ko?
-pagtitig
❧❧❧
ang pagliwanag ng lupa
imposible.
bilang lupa,
hindi ako magliliwanag
sa gitna ng kadiliman
kung hindi
mo ako bibigyan
ng ningning
ikaw ang dahilan.
palagi naman.
*1*
hindi mo na kailangang
bigkasin ang wika.
isang pagsulyap
at pagbuga lamang
ng hangin sa kawalan,
ang atensyon na
hinahanap mo
at gusto kong ibigay
sa isang tao
ay napasa-iyo na
*2*
wala kang kailangang gawin.
kumurap ka lang,
huminga,
mabuhay.
hayaan mo akong
mahalin ang sarili mo
para sa iyo
*3*
ang malayong lugar
na inaabot ng isip
ko
habang nakatitig
sa iyo
ay ang lugar na
gusto kong paglagian
hanggang sa
pagpasiyahan nang
magpahinga ng
aking
mga
mata
*4*
sa lawak ng langit,
pinili kong sumiksik sa tabi mo
*5*
masarap sa pakiramdam na
maramdaman ko ang
nararamdaman mo.
walang kasing ligaya
ang puso ko
sa tuwing
magliliwanag ka sa harap ko
kasabay ng
pagsabog ng iyong
kislap
sa
lugar na pangarap
❧❧❧
paggawa ng distansiya sa gitna
nagsimula tayong maglayo
nang nakatalikod
sa bawat isa
"lilingon ka ba?"
bulong ko
ngunit humakbang ka pa
*1*
sa dalas ng pagtitig,
ng pag-wika,
ng pagbubukas ko ng sarili ko
sa iyo:
hinihubaran ko ang pagkatao ko,
inilalahad ko ang saloobin ko,
ipinahahawak ko ang puso ko,
pero
nakakapagod pala
ang magbigay
*2*
dumampi ang hangin
sa aking katawan.
doon ko lang napansin
ang unti-unti kong
pagkasira
hanggang sa napulbos ako
*3*
sa kagustuhan kong umangat,
kaunti na lang ako nang makarating ako sa iyo.
hanggang sa naging puwing,
hanggang sa nawala.
bilang lupa, nakalimutan ko:
nauubos nga pala ako
*4*
"nararamdaman mo pa ba ako?"
gusto kong itanong
kasi alam ko na
hindi mo na ako
makita
❧❧❧
ito ang oras
na ang
pagmamahal
natin ay
naiwan sa
kalawakan
*1*
ayaw ko nang marinig
ang mga nakakasakit na buntong-hininga
at katahimikan
*2*
masaya naman noon,
pero nalaman kong
ipinilit lang pala iyon
*3*
"bakit ka lumapit,"
tanong ko,
"wala ka pa lang balak manatili"
❧❧❧
pagbalik ng lupa sa lupa
masakit bumagsak
muli sa ibaba
matapos mong
maranasan
kung gaano
kasarap
umangat sa
kalawakan.
ito ang kaganapang iyon.
*1*
walang nagsabi na kumapit ako,
pero ginugusto ko pa rin
kasi tanga ako
at tanga ka.
hinahayaan mo akong
ubusin ang liwanag mo
habang
nadudurog akong mag-isa
*2*
kahit ang pagtingin ko sa iyo
ay masakit.
kung hindi luha
ay pait
❧❧❧
kamatayan
at dito na napukaw ang
liwanag na ibinahagi mo
sa aking mundo.
ito ang masakit na katotohanan:
hindi tayo tugma,
hindi tayo handa,
pero ipinilit ko
at sinubukan mo.
*1*
namatay ako,
kasi hinayaan
ko
Sanamawari

Comments
Post a Comment